love, h

1.5M ratings
277k ratings

See, that’s what the app is perfect for.

Sounds perfect Wahhhh, I don’t wanna

Alon

Sa karagatan ng pandidikta,

pag-asa na ang sumabay sa alon

ng malabnaw na kalayaan.

Talagang may katagalan, may kalayuan.


Sa kagustuhang sumabay sa lakbay ng bapor,

marami ang tila hindi pabor.

Maalat sa paningin, pait ang sasapitin.

Kaya’t ang karagatang malawak,

sinisisid nang yapak.


Halos malunod sa kailaliman,

marating lamang ang banayad na dalampasigan.

Halos maligaw ang pusong sumisigaw,

para sa karapatan: higit kailanman, maging abot-tanaw.



abante babae

laban

pang ilang gabi ka na naghihikahos sa paghinga? ni ito na nga lang ang pinakamadaling gawin sa buhay, pero bakit tila parang isa itong hamon na kailangan kong lampasan sa oras ng pagtulog, ibang klase rin siya makipag laro parang pahirap ng pahirap ang antas niya sa araw-araw…

lubayan mo ang aking isipan. layuan mo ang aking diwa. ako ay nagmamakaawa. ayoko nang tapusin ang iyong hamon, sumusuko na ako, hahayaan na lang kusang mapagod at makatulog na kahit hindi mahimbing, basta’t may kauting oras ng pahinga. paHINGA naman po ng taimtim… 

No Yes, No Yes. No

Kapag ikaw na ang nabiktima, mahirap nang payuan ang sarili na magsalita ka at gamitin mo ang boses mo laban sa bagay na hindi mo naman sinang-ayunan. 

“Lumaban ka. Maging matapang ka, Kaya mong tanggihan ‘yan” mga bagay na kusa na lang nawawala kapag ika’y biktima na. 

Tila mapapahinto ka na lang at mapapaisip na… ginusto ko naman ito eh, hndi niya na kasalanan ‘yon. pero sa kabila nang lahat ng mga pangyayari, alam mo sa sarili mo na tumanggi ka ngunit hindi ka pinakinggan. 

Nawalan na kong napakiramdam. Ngunit ipinipilit kong pagmamahal itong aking nadarama. Inililigaw ang sarili sa masakit na katotohanan na wala na, huli na ang lahat. 

Makakawala naman ako rito, positibo ang pakiramdam ko diyan. Sa ngayon, ako’y naghihintay na lang kung aalisin ko na ba ang tinik sa aking puso o maghihintay na lang hanggang sa ito’y matabunan ng pagmamahal na puno nang kasinungalingan. 

Manika mula sa Kuwait

Dalawang taon ko nang hiling kay mommy na padalahan niya ako ng isang malaking barbie doll, lahat na kasi ng mga kalaro ko may barbie na kasing tangkad nila. Nasa malayong lugar si mommy, Kuwait ang lagi kong naririnig sa tuwing nag-uusap sila ni daddy. Mga ilang sakay ng jeep siguro ‘yon no? Sabi ni mommy na napakaganda daw sa Kuwait pero bawal daw ang malilikot doon dahil baka raw malagay ka sa alanganin. Paano kaya iyon? Sabi ni mommy babalik na raw siya nang huli naming pag-uusap sa phone. Sana dala niya na ang aking manika! Ayun! biglang may dumating van sa amin! Excited na akong makita si mommy pati ang kanyang mga pasalubong. Nilabas na ang isang malaking karton sa van at yehey! mas malaki pa ang barbie ko kaysa sa mga kalaro ko, kaso bakit putol ang ulo nito?

dagli

Panibagong Tahanan

Para sa aking mga mahal na lola, sumalangit nawa ang inyong mga kaluluwa. 

2019, Terrace

Lumabas ako para magpahangin, niyaya rin kasi ako ni papa dahil parang summer night daw ng Jordan ang simoy ng hangin sa labas. Walang duda na napakaganda ng tanawin mula sa second floor terrace naming ito. Natatanaw ko ang mga bituin kasabay ang paglasap ang sariwang hangin kasabay na rin ang mga maliliwanag na ilaw na nagmumula sa bahay ng mga kapitbahay. Kahit na ganito kaganda ang aking nakikita, nababalot naman ang aking isipan ng mga katanungang alam kong mahirap sagutin.

           Tanong na lang ng tanong sa sarili kung saan ba talaga ako lulugar. Na para bang hindi ko naramdaman ang pagiging bilang sa kung saan ako mapunta. Bakit parang ang hirap humanap ng lugar kung saan tanggap ako ng lubusan? Baka naman ako lang ang nag-iisip ng ganito, baka naman tanggap talaga ako sa isang lugar na iniisip kong hindi pa pala. Magulo talaga kapag ganito ang nangyayari sa akin. Saan nga ba ako dapat humugot ng lakas?

           Naki-upo na si mama sa aming “bonding” time ni papa. Kahit na iba ang iniisip ko at iba ang inaasikaso ni papa, tinuturing ko pa rin itong bonding time dahil nandiyan siya sa aking tabi. Kahit na hindi kami close ni papa, sa simpleng ganitong pagsasama, natutuwa na ako. Wala nang usap-usap. Basta nandiyan ayos na.

           Sa pag-upo ni mama sa tabi ni papa, naalala ko sa kanila ang aking mga lola. Sila kasi halos ang nagpalaki sa akin eh. Ngayon ko lang napagtanto na mabigat pa pala ang aking pakiramdam sa kanilang pagkawala. Naniniwala kasi ako na kapag iniyakan mo na ng isang beses, hindi mo na kailangang iyakan pa. Pero siguro sa dami na rin ng naibahagi nila sa aking buhay, nahirapan ako ngayong humanap ng aking bagong maituturing tahanan.

2003-2009, Bakasyon sa Bicol

Sa Bicol kami madalas magbakasyon na aking pamilya. Nag-aarkila ng Van si papa at lagi kaming excited at paunahan sumakay nila kuya Mark, kuya Rex, kuya Topher (anak sa unang asawa ni mama), kuya Mahmoud at si Ahmad na aming bunso (kapatid kong buo). Kanya kanya na kaming nag-uunahan sa lugar na gusto naming upuan. Masaya kami lagi kahit na 10 hanggang 12 oras ang biyahe, tiyak na gagawa kami ng paraaan para hindi kami makaramdam ng pagka-inip at pagod.

Ni minsa’y hindi naming hinangad na sumakay sa eroplano para makapunta sa Bicol. Mas na-eenjoy namin ang napakahabang biyahe!

Sa haba ng biyahe may kanya kanya kaming paraan mag palipas ng oras. Si kuya Mark ay laging may dalang libro para magbasa, siya rin kasi ang pinakamatalino sa aming magkakapatid eh. Si kuya Rex at kuya Topher naman ay nagsasalit-salitan sa Gameboy o Game brick. Si kuya Mahmoud naman ay mahilig sa music kaya’t nakasaksak na ang earphones niya bago pa umandar ang sasakyan. Si Ahmad naman ay bata pa kaya tulog lang siya sa saksakyan hanggang sa makarating sa Bicol. Ako naman ay minsan tulog pero madalas tanong ng tanong sa mga bagay na hirap sagutin sina mama at papa. Curious talaga ako nung bata ako kaya naman ayun nakakairita minsan, hindi na nila pinapansin ang katanungan ko dahil mahirap nga naman sagutin ang mga ito. Isang beses sinabihan na lang ako ni mama na “Do not question God’s creation” minsan nakukuntento ako sa sagot, minsan hindi. Habang tumatagal naiintindihan ko naman na hindi lahat ng tanong ko’y kailangang sagutin.

Dahil na nga sa haba ng biyahe, marami kaming mga stop overs para na rin makapagpahinga si papa at makapaglakad kami kahit papaano. Ang hirap manatiling naka-upo ng matagal eh. Sa aming pagpatuloy sa biyahe, alam kong malapit na kaming makarating kapag nakadaan na kami sa zig zag road na paborito namin kahit na delikado ang daan dito, kampante ako sa pagmamaneho ni papa. Napakaganda ng mga tanawin sa lugar na ito, kahit na sampung taon na ang nakalipas sa huli kong pagbisita sa Bicol, naaalala ko pa rin kung gaano ka ganda ito.

Pag dating sa Bicol ang mga ngiti ni lola ang sumasalubong sa amin. Kahit na matanda na siya tumutulong pa rin siya sa pagbitbit ng mga gamit namin papasok sa kanyang bahay na para bang excited na excited! Sinasabihan na namin siyang magpahinga pero hindi siya nagpapaawat. Pinagpahinga niya muna kami matapos ang mahabang biyahe pero ako bilang curious na bata, tanong ng tanong kay lola. Sa lahat ng tanong ko kay lola isa lang ang kanyang hindi na sagot.

Si lola yung tipong lulutuin lahat nga request ng kanyang mga apo! Anim kaming mga apo niya na nagbakasyon ng halos isang buwan at lahat ng gusto namin ay kanyang tinutupad. Parang may super powers si lola na lumalakas kapag nakikita niya kaming mga apo niya. Ang palagi kong request kay lola ay ube halaya. Pinakamahirap pa naman itong lutuin dahil mahirap itong haluin. Si kuya Topher naman ang kanyang katulong sa paghahalo kaya’t ang aking gusto ay tiyak na masusunod. Kay rami nang pinuntahan kong mga bilihan ng kakanin pero wala ni isang kalasa ng ube ni lola. Sinabi ko sa aking sarili na favorite ko ang ube pero kapag gawa pala ng iba ‘to… parang hindi naman pala. May kakaibang lasa kasi ang luto ni lola eh hindi ko pa ‘to natitikman kahit saan man. Sinubukan ni mama na gayahin pero hindi niya ito magaya.

Sa lahat ng biyahe namin patungo sa Bicol laging masasarap ang pagkain at lalong lalo na ang labis napag-aaruga ni lola. Hindi matutumbasan ng sino man ang pagmamahal ni lola sa akin at nakakalungkot lang na hindi ko na siya malalasap muli.

Isang araw natanong ko kay lola kung bakit walang humpay ang pag-aaway ni mama at papa ito ang kauna-unahang tanong na hindi niya masagot. Ang tanging nagawa lang ni lola ay yinakap ako ng mahigpit at hinalikan sa noo. Dito ko mas naunawaan na hindi lahat ng tanong ko ay masasagot ng sino man.

Isa si lola sa mga tumlong sa akin na ayusin ang aking sarili nung ako’y nagdalaga. Kahit na paborito niyang apo si kuya Mark ni minsa’y hindi ako na-inggit sa kanya dahil sa walang sawang pag-aaruga ni lola.

Abril 2009 noon, si lola naman ang bumisita sa amin sa Laguna dahil busy sa trabaho ang aking mga magulang. Ito rin ang araw kung kailan dinatnan ako ng aking kauna-unahang time of the month. Natakot ako dahil hindi ko alam na dinudugo pala ang mga babae. Sa aking pag-uwi mula sa paglalaro, tinawag ko si lola dahil hindi ko alam ang gagawin ko. Naaalala ko pa na sinabihan ko siyang “Lola, huwag ka pong mamagalit sa akin ha?” malamang nag-alala si lola. Ano kaya ang hindi niya pwedeng ika-galit. Ayun pinakita ko na ako’y dinudugo. Pinaliguan ako ni lola at sinabing kailangan ko nang mag-ingat dahil dalaga na ako. Ang aga ng pagdadalaga ko at aamin kong mahirap unawain ang lahat. Pero dahil kay lola, mas gumaan ang loob ko.

2011 noon at nagpasya na si mama na dalihin kami sa Jordan dahil sa financial problem. Napakahirap ng pamamaalam namin ni lola. Lumuha siya at sinabing “Bumalik kayo ha?” Sa puntong iyon hindi ko alam kung makakabalik pa kami dahil mukhang malabo na. kaya’t ang sinabi ko ay “Opo lola ita-try po namin”

Naalala ko pa ang yakap ni lola na napakahigpit. Hindi ko lang inaasahang ito na pala ang huli niyang yakap sa akin.

 2011, Jabal al Taj

Ayaw na ayaw ko nung una kay teta* Ayesha, napakadumi ng bahay niya hindi tulad ni lola Sabel na napaka linis sa bahay. Ang masaklap pa sa lahat, hindi kami magkaintindihan. Arabic lang ang alam na linggwahe ni teta kaya naman sobrang hirap talaga nang makipag-usap sa kanya. Napilitan talaga kaming matuto ng Arabic. Kahit alam kong ito naman ang isa sa mga layunin ng aking mga magulang kaya’t dinala nila kami rito.

Sa aming pagdating sa Jordan, imbes na mag pahinga kami ng aking mga kapatid, nilinis pa namin ang bahay dahil sa sobrang dumi nito. At doon ko na naramdaman na hinding hindi kami magkakasundo ni teta. O sadyang pagod lang ako.

Umpisa pa lang ayaw ko na sa mga luto niya! Syempre sanay ako sa panlsang Pinoy at hindi sa mga Arabic food na alam lutuin ni teta. Kaya naman umiiyak ako kay mama dahil gustong gusto ko nang bumalik sa Pilipinas at wala akong patutunguhan sa bansang ito.

Kahit na mahirap sa una, hindi ko akalaing masasanay din pala ako na para bang hindi ko na kailangang bumalik. Ang masaklap lang ay hindi ko man lang inintindi si teta na siya’y matanda at hirap na maglakad. Naging makasarili ako. Sa bahay ni teta kahit mahirap mag-adjust, natuto ako ng maraming bagay.

Si teta ang madalas kong nakakausap at sa kanya nahasa ng husto ang pagsasalita ko ng arabic. Hindi man ako naging fluent, masasabi kong nagkakaintindihan kami ng teta ko at tiyak na kaya kong makipag-usap sa iba pang matatanda.

Mahilig magluto si teta, kahit na sa una’y ayaw ko sa mga ito masasabi ko ngayon na walang kasing sarap ang mga luto niya. Isa sa mga paborito ko ay ang dawali. Ang bida sa putaheng ito ay ang dahon ng ubas na ginagamit sa pagbalot sa kanin at ground meat. Hindi ko man alam kung paano gayahin ang lasa ni teta, naipamana naman niya sa akin ang skill sa pagbalot ng mga ito.

Ang pinakamahalagang bagay na itinuro ni teta ay ang dahan dahan niyang pag-udyok sa akin na unawain at isapuso ang Islam. Tinuruan niya akong magdasal, ngunit hindi niya ako pinilit gaya ng iba. Tinuruan niya akong magbasa ng Koran, kahit na mahirap ito, pinagtiyagaan niya akong turuan.

Si teta, hindi ako ang paboritong apo niyan. Halata ko naman na mas paborito niya si kuya Mahmoud dahil siya ang unang apo niya kay papa. Minsan nakararamdam ako ng selos pero mukhang mas marami naman akong natutunan mula kay teta kaysa kay kuya.

Dumating na ang panahon kung saan kailangan na naming bumalik dito sa Pilipinas. Ang huling sandali namin ni teta ay pinapangaralan niya ako na kapag dumating na ang araw at kailangan ko nang mag-asawa piliin ko raw yung aalagaan ako katulad ng pag-aalaga niya sa akin.

Ang huling sinabi ni teta sa akin ay “Sana makita kita bilang isa sa mga mahuhusay na doktor”

Lumisan si teta na may kaalaman na ako’y may pangarap maging doctor, hindi ko man na pangarap ito ngayon pero sana kung ano man ang aking marating, masilayan ni teta ang aking tagumpay na may ngiti sa kanyang mga labi.  

2019, Terrace

Kahit na magkaiba ang kultura at lahi ng aking dalawang lola sila ang bumuo sa aking pagkatao. Napadali nila ang pag-unawa na kailangan ko talaga isapuso ang dalawa kong lahi. Importante ang pagiging Filipino ko at importate rin ang pagiging Arab. Na kahit minsa’y kinaiinisan ko dahil may mga araw na ginagamit ang mga ito laban sa akin. Alam kong hindi dapat ito ang maging target nila na kahinaan ko.

           Kasabay ng pagkawala nila lola ang pagkawala ng tiwala ko sa sarili ko. Sila na rin kasi ang nagbigay ng lakas sa akin eh. Nakakalungkot na hindi na ako kasing tapang at kasing talino noon. Maraming mga ang pinalipas ko nang dahil sa pagkawala ng kumpiyasa sa sarili. Alam kong hindi nila gustong makitang nagkakaganito ako ng dahil sa pagkawala nila, kaya’t babawi ako sa kanila, sisimulan kong pagtuunan ng pansin ang iba pang mga bagay na nagbibigay aral sa akin.

Mahirap mang tanggapin na wala na sila. Siguro hanggang doon na lang ang nararapat nilang ibahagi at ang iba’y dapat tuklasin ko ng mag-isa. Sa ngayon, hindi ko man mabalikan ang tahanang kanilang nilikha, gagamitin kong instrumento ang kanilang mga naituro upang bumuo ng aking panibagong tahanan.

 *teta: lola sa Arabic  

image

Originally posted by xxrawxx

non fiction

Panaginip

Napanaginipan kita at alam kong seryoso na. Ilang buwan ko na rin sinasarili ang aking pagtingin. Ilang beses tinatanggihan at ilang beses na rin nag kunwaring ayaw ko sa iyo. 

Ang dami nang nanghusga sa akin, gustohin ko man tanggapin ang mga ito dahil medyo makatotohanan na hindi talaga tayo para sa isa’t isa, naiinis pa rin ako na ang daming humahadlang. Paano kung ikaw na nga? Paano kung ang kanilang mga panghuhusga ay pagsubok lamang? Paano kung mali sila? 

Pero paano kung tama sila… Paano kung mali nga ang nararamdaman ko… Sa totoo lang hindi ko na alam kung sino ang pakikinggan ko.

Isang gabi noon, ikaw lamang ang laman ng isipan. Masasabi ko ba na kasalanan kong ikaw pa rin ang laman ng aking panaginip? Hindi naman ako nanghinayang na ikaw ang laman ng panaginip ko. Kung tutuusin, isa ito sa pinaka mapayapang panaginip na gustong gusto ko balikan. O gustong malasap sa kasalukuyan. 

Ikaw at ako patungo sa isang destinasyong ‘di ko na nasilayan. Sapagkat nagising ako matapos ang huling sandaling nakasandal ako sa iyong balikat at ikaw na bigla na lang hinawakan ang aking mga kamay. Hindi ko na alam kung ano ang sumunod na nangyari.  

Alam ko sa sandaling ito, seryoso na ang nararamdaman ko. Pero huwag kang mag-alala o kung sino man sa mga nanghusga. Wala akong gagawin upang mapasakin ka. Hahayaan ko na lang huminto ang pagtingin ko sa iyo. Para sa ikabubuti nating dalawa. 

Paalam sa aking paboritong panaginip. Hindi ko akalaing masasabi ko na sana hindi na maulit ang paborito kong panaginip.  

image

Originally posted by thegoodvybe

panaginip puso isip

A letter to my worried friends

Dear love, 

I know it is hard for you to see me at my lowest point and I am sincerely sorry for affecting you. I should have handled this pain on my own but I chose to tag you along.

I know that you are constantly worried that one day I might just give up, but don’t worry I am ready to fight knowing that you are constantly by my side.

If ever you choose to leave me behind, just tell me and I will understand. I know you are not obliged to keep up with my negativity and I’ll understand if you have had enough of it. 

In case you are still wondering why I am not responding to your messages, just know that I am giving you and myself some rest. I am tired of constantly affecting you from my emotions. I hope you understand that. 

In events where you see me shine again, let us not celebrate it for I know that I’ll come to my lowest point again. And run this cycle all over again.

To remind you again, I am sorry for being pessimistic. I love you and I don’t want you to worry about me. I’ll be fine. For you. For me. 

Love, h. 

image
friendship